"Kung tatanungin mo ako ngayon kung sino ang nagiisang taong minahal ko at patuloy na mamahalin...marahil isa lang ang sasabihin ko sa iyo."
***
Kinikiliti ako ng aking musa. Kakaibang kirot sa puso ang namutawi sa nakaraang pilit sumasagi sa aking balintataw. Sa maagang yugto ng buhay,namulat ako sa mapait na reyalidad nito. Maagang namulat sa gawaing hindi pangkaraniwan sa makabagong kabataan. Ang magbanat ng buto sa murang edad para mabuhay. Sinuong ko na ang masukal na kagubatan para makahanap ng pwedeng pangkabuhayan. Kumapal na ang kalyo sa paa sa araw na pagtawid mula kanayunan patungo sa aking paaralan. Uu. Ako ang batang hindi naihihimlay ang pagal na katawan sa malambot na higaan,ako ang batang hindi mo makikitang naglalaro sa kalsada o kaparangan at ako ang batang ni minsan ay hindi nadilaan ang
matamis na sorbetes na nakikita ko sa bayan. Ako ang batang katulad mo o ng iba na may mabigat nang pasanin para mabuhay. Tanggap ko ang buhay na kaloob sa akin. Hindi ito alintana dahil nauunawaan ko ang buhay na mayroon kami. Bagkus ay nagpapasalamat ako dahil nakakapag aral pa din ang
isang tulad ko. Dahil sa sipag at tiyaga ni tatay sa pagtatrabaho.
Si tatay ang idolo ko. Siya ang haligi at ilaw ng buhay ko. Hindi ko alam kung sino ang tunay kong nanay ,at tanging nasasabi lang ni tatay ay isa siyang puta na hindi ko naman lubusang maintindihan. Kami ni tatay ang magkatuwang sa lahat ng bagay. Masaya kami kahit kaming dalawa lang. Siya na din ang nagparanas sa akin kung paano maging bata sa pamaamgitan ng paglalaro namin sa bakuran. Wala akong kalaro maliban sa kanya. Sa kanayunan kami nakatira,walang kapitbahay at malayo sa bayan. Hindi ko alam kong bakit doon pinili ni tatay, ang mahalaga lang sa akin ay magkasama kami palagi.
Si tatay ang unang nagturo sa aking sumulat ng abakada. Sa payapang gabi,palaging siyang nakaagapay tangan ang lampara na siyang tanglaw upang makita ko ang aking aralin. Marunong gumuhit si tatay,itinuro niya sa akin kung paano ang istilo ng tamang pagguhit katuwang ang imahinasyon. Nakangiti ko siyang pinagmamasdan habang gumuguhit. Pumapalakpak ako sa tuwa ng makita ko ang itusra ko sa kapirasong papel. Mula noon gabi gabi na akong tinuturuan ni tatay.Minsan isang gabi,may iniabot siya sa akin. Isang maliit na parehabang kahon. Nakangiti siya habang binubuksan ko ito sa kanyang harapan. Tumambad sa akin ang limang piraso at makukulay na pluma. Magaganda ang mga ito hindi pa ako nakahawak ng ganito simula ng mag aral ako. Regalo daw niya sa akin. Niyakap ko si tatay matapos ko siyang pasalamatan.
Likas na mahusay ang pulso ni tatay. Sadyang may natatago siyang galing kahit hindi niya iyon lubusang inaral.Magaganda ang kanyang mga obra, Idinikit ko lahat sa dingding ang mga ginuhit niya katulad ng ahas na nakapulopot sa leeg isang babaeng nakatalikod,nakabalabal ng kapirasong tela ngunit labas ang kuyukot. Sa larawang iyon niya daw maipapaliwanag ang aking nanay. Hindi ko na siya inusisa dahil sa ayaw naman niyang pag usapan. Ako ang nagiisang tagahanga ni tatay,minsan ko nang pinangarap at isinabi kay tatay na sana malathala sa pahayagan at sa anumang peryodiko ang kanyang mga likha,ngunit ako ay tinawanan niya lamang.
Ang pagguhit ang siyang libangan ni tatay. Madalas niya itong ginagawa matapos naming maghanapbuhay. Mahigpit pa sa barako kong kumayod kami para makaipon ng sapat na salapi para sa aking pag aaral. Mataas ang pangarap niya sa kin .Madalas niyang sabihin na hindi porket ipinanganak tayong mahirap ay mamamatay tayong mahirap,hindi daw siya naniniwala doon. Punong puno ng pag asa at mga positibong pananaw,yan si tatay.
Ngunit dumating ang panahon, kinakailangan ko muna na siya ay iwanan,para sa aking pag aaral. Malungkot kong nilisan ang aming tahanan bitbit ang mga plumang regalo sa akin ni tatay na nagpapahiwatig ng kanyang pagmamahal at mga pangaral. Itutuloy ko ang pangarap ni tatay sa pamamagitan ko.
Ako'y tila isang alupihan na di mapakali kung saan magsusuot sa magulo at maingay na buhay dito sa lungsod,malayo sa buhay na mayroon kami ni tatay. Ngunit buong tapang kong hinarap ang buhay dito. Iba't ibang uri ng tao ang aking nakasalamuha,iba't ibang ugali,iba't ibang karera na nagpapakadalubhasa sa larangan nilang ibig. Masusi akong nakatutok sa bawat aralin at lalong sumisidhi habang ginagamit ko ang pluma ni tatay na nagbibigay sigla sa akin sa bawat araw. Isang araw sa isang linggo akong bumibisita at umuuwi sa amin para makasama si tatay. HIndi ako sanay na hindi siya nakikita man lang dahil siya ang lakas ko at buhay.
***
Matuling lumilipas ang mga taon masyado akong naging abala,dahil nalalapit na din ang aking pagtatapos.Ngunit hindi lingid sa aking kaalaman ang unti-unting pagkakasakit ni tatay. Na itinatago niya sa akin sa tuwing uuwi ako para kumustahin siya. Akala ko ay simpleng ubo lang kaya hindi ko nalilimutang bilhan siya ng medisina.Madalas sabihin ni tatay na kaya niya ang sarili niya at pilit akong pinagtutulakan pabalik sa maynila. Na huwag ko daw siyang intindihin at asikasuhin na ang dapat kung gawin sa unibersidad. Alam kong hindi siya mabuti ngunit dahil sa ayaw ko siya magalit sinunod ko si tatay.
***
Hindi naglipat taon,natapos ko ang aking kurso na ibig ko at ibig ni tatay. Masaya kong ibinalita kay tatay ang lahat at walang pagsidlan ang ngiting namutawi sa kanya. Pinupog niya ako ng mga yakap at halik.Maluha luha niyang ibinigay sa akin ang isa pang pluma.Ang plumang kasiping nya sa bawat araw na wala ako.
Saksi si tatay ng tawagin ang pangalan ko sa entablado para kuhanin ang diplomang pinagbunuuan ko ng maraming taon.Hindi ko malimutan ang ngiti niyang iyon nalabis na nagbibigay kiliti sa aking puso. Kakaiba.
***
Sa kasamaang palad si tatay, pumanaw dalawang buwan matapos akong makapagtapos.Tuluyang bumagsak ang kanyang katawan at nauwi sa pagkamatay nito. Halos gumuho ang mundo ko sa pangyayaring iyon. Hindi ko matanggap na wala na siya.Sobrang sakit.
Nagpasya ako na tuluyan ng lisanin ang kanayunan at simulan ang bagong buhay sa lungsod. Hinalungkat ko ang ibang gamit ni tatay. Napukaw ang pansin ko sa isang malaking kahon. Binuksan ko ito at tumambad ang ilan sa mga ginuhit niya. Halos madurog ang aking puso sa mga nakikita ko. Isang batang lalaking nahihimbing ang tulog kalinga ng isang mapagmahal na ama. Mag-amang nakatayo sa ilalim ng puno ,nakaakbay ang isa at itinuturo ang sinag ng araw. At sa ibabang bahagi nito ag katagang mahal na mahal kita anak. Hindi ko na mapigilan ang aking emosyon at tuluyan akong umiyak habang binibigkas ang tatay. Masakit. Sobrang sakit.
***
Limang taon ng wala si tatay, at isa na rin akong ganap na tatay, isa nang mahusay na alagad ng sining sa larangan ng pagguhit Patuloy kong binabalikan ang kanyang obra na tanging inspirasyon ko.Walang anumang uri ng kamera ang makakatumbas at makakakuha sa pigurang nabuo ni tatay.
Bukod sa pagguhit,hinulma niya ang aking pagkatao sa mga positibong pananaw.Naituro niya sa akin na hindi dapat ikubli ang payak na pamumuhay ng isang tao.Na hindi pangarap lang para sa maralita ang disenteng pamumuhay. Ika nga ni tatay maniwala ka at bukas may pagbabagong magaganap. Huwag mong itatak sa isipan mo mamatay kang mahirap.Huwag sumunod sa dikta ng lipunan,buksan ang isip at huwag hayaang magbara ang iyong pananaw sa maayos na pamumuhay. Lahat tayo ay may bukas na naghihitay,bukas na kailangang marating,bukas na dapat tawirin.
"Kung tatanungin mo ako ngayon kung sino ang nagiisang taong minahal ko at patuloy na mamahalin...marahil isa lang ang sasabihin ko sa iyo. Iyon ay ang TATAY ko."
Dahil si tatay ang nagsilbing pluma ng buhay ko at ako ang tinta nito para makabuo ng isang ganap na pagbabago.
***